‘Sa Wakas’ – about wasak na pag-ibig

Sa wakas, napanood ko na rin ang musical play na ito, with the same name. Inspired by the music of Sugarfree, inilahad ng “Sa Wakas” ang phases of a break up nang pabaliktad. Reverse chronology ang peg ng show which I thought gave a unique twist, at sa umpisa palang, ipapamukha na sa iyo na walang forever.

Surprisingly, for a non-romantic like me na ayaw sa drama, natuwa naman ako sa dula. Bittersweet ang feels kasi you root for the relationship to work but you know that it won’t. Saklap! The play explored this pain part of love with struggles of finding one’s self as a backdrop, na very contemporary at relatable sa mga millenials.

For me, what stood out in the play is the music. I mean Ebe Dancel is such a poet. “Sa pagkumpas ng iyong kamay / Aking landas ginagabay / Nag-iisang tiyak sa isang libong duda / Silong sa iyak at pagluluksa…” Wow, di ba?!

Ang cool lang ng pagkakahabi ng mga awitin sa kuwento. Ang galing din ng live band with the violin and piano. Swak na swak iyong chuwariwap. At ang linis at effortless ng pagkanta nina Vic Robinson, Cara Barredo, at Justine Peña.

Hanggang next week nalang ang Farewell Run kaya nood na mga bes. “Ayoko nang mag-isa,” sabi ng kanta pero okay lang manood mag-isa tulad ng ginawa ko na walk-in lang. Kung mahilig ka sa love story, o hugot, o music, okay ito para sa iyo plus you’re supporting local artists which is always a good thing! 🙂

No automatic alt text available.
Credit: Sa Wakas, A Pinoy Rock Musical
Advertisements

Problem Child

Isa-isang nagsiakyatan sa entablado ang mga batang nagtapos sa elementarya upang tanggapin ang kanilang mga diploma. Pilit kong inalala kung sila’y naging estudyante ko. It’s either my memory is failing me or nag-undergo sila ng growth spurt at sadyang nagbago na ang mga itsura.

Ngunit nakakaaliw lang na iyong mga itinuturing na problem child or children , kasi marami sila, ay nakatatak pa sa aking utak. Ito iyong bully… iyong palaging pinapagalitan… iyong pasaway.

Dahil ako iyong super strict teacher, may pagkakataong nililipat sa akin iyong mga sobrang makukulit. So ayun nga, itong estudyanteng ito, ako na ang magha-handle. Siyempre ayaw daw niya sa class ko. I wouldn’t blame him. Sino ba naman ang may gusto sa terror na tulad ko. Gustong tumakas ng bata. Sorry siya mas mabilis ako. Hinawakan ko siya sa kamay and didn’t let go. Nag-holding hands while walking kami around the campus, para lang kumalma ang bata. Kinalauna’y wala na siyang nagawa kundi pumasok sa klase ko.

Binigyan ko siya ng libro na lubos niyang ikinatuwa, todo pasikat pa sa kaklase. Hindi pa rin nawala ang pagpapasaway niya ngunit sa tingin ko’y nag-effort naman siyang magpakatino. At nagbunga ang mga efforts niya dahil nakagpag-graduate na. Isa ring accomplishment ito para sa amin na naging guro niya.

Noong nagtuturo pa ako, natanong ko kung ako’y ba’y pinaparusahan. Mahirap kasi maging teacher. Maraming sakripisyo, kaunti o walang recognition. But looking back, those difficult times were the most memorable and meaningful moments.

Sa mga graduates, isang karangalang minsa’y naging guro niyo. Nawa’y maging matagumpay kayo sa daang tatahakin.

 

IMG_20180406_105001[1]

Green-minded

Green-minded ako
Berde… berde ang kulay ng mga puno
Mga punong sa halip na pinaparami
Pinuputol, pinapatay
Pinapalitan ng matatayog na kongkreto
Berde… berde and kulay ng gulay
Sabi’y pampahaba ng buhay
Ng tao, at ng mundo
Dahil bawas sa karne
Bawas sa emisyon ng karbong
Nakasusulasok
Maitim na usok
Na sa planeta’y bumabalot
Planetang nalulunod din sa basura at plastik
Plastik na sumasayaw sa hangin
Lumalangoy sa ilog
Lumulutang sa karagatan
Plastik na nasa isdang kinakain
Sa tubig na iniinom
Tila wala ng pag-asa
Wala na nga ba?
Ang mga isip-berde ay hindi papatalo
Patuloy ang buga ng karbon
Kasabay ng pag-usbong ng malinis na enerhiya
Mula sa tubig, hangin, at araw
Kumakaripas sa takbo ang urbanisasyon
Ngunit humahabol ang mga ideya
Ng green architecture at green space
Marami ang walang pakialam
Walang pakundangan sa pagbili at pagtapon,
Pagbili at pagtapon, pagbili at pagtapon
Subalit marami rin ang nakikialam
Binabago ang pananaw na wala tayong magagawa
Sa bawat pagtatanim ng puno
Sa bawat pagsuporta sa renewable energy
Sa bawat pagpili sa maka-kalikasang produkto
Sa bawat paghindi sa plastic straw, at plastic bag,
At plastic water bottle, at plastic spoon and fork
Sa bawat pagkonsumo ng organikong pagkain
Ang mga ito’y parang patak
Ambon sa umpisa
Nawa’y maging daluyong ng isip-berdeng gawa
Green-minded ako…
Sana ikaw din
 IMG_20180325_081649[1]

Filipino Youth Beyond Paris (and yes, youth pa rin ako)

Ang suwerte ng kabataan ngayon. Ang dami nilang opportunities for youth engagement. Basta may event o program na meant for youth participants, tsine-check ko kaagad ang age qualification. Hindi na kasi ako pasok sa Philippine definition pero sa UN, youth pa ako so wapakels ako sa inyo, haha! Joke lang.

Anyway, inorganisa ng Climate Reality Project Philippines ang “Filipino Youth Beyond Paris: Acting on Climate, from Paris to Kigali and beyond,” isang climate action conference para sa mga youth (yes!). Ninais din nitong pag-usapan ang national youth statement on climate na ibibigay sa Philippine delegation sa 23rd Conference on Parties sa Bonn, Germany.

Hindi iyan isang bonggang party. Meeting iyan at negosasyon patungkol sa Paris Agreement. Ang Agreement na ito ay naglalayong i-limit ang pag-init ng mundo below two degrees at tinatarget nga natin ay 1.5 degrees kasi just a slight increase in temperature could mean the end of the world as we know it. OA?! Pero seriously, remember Yolanda? Bagyo pa more ang dala nito.

DNyNpyKUIAEKW3i
Picture ng aming mock negotiation (Photo from Climate Reality Philippines).

Eh, ano naman iyong Kigali? Bale siyudad ito sa Rwanda kung saan na-ammend iyong Montreal Protocol. Iyong Montreal Protocol ay nagpa-phase out ng mga ozone-depleting substances. Dahil walang effect sa ozone ang hydrofluorocarbons (HFCs) ginawa siyang substitute as refrigerant pero powerful greenhouse gas pala siya. So doon sa Kigali Amendment, kailangang i-phase out na rin ang HFCs. Gets?

Policy work can actually be exciting pag naiintindihan mo ang mga galawang nagaganap. Isa pa importante rin siya kasi ito iyong nagiging basehan ng mga pagbabagong ninanais natin. At sa mga policy work na ito, siyempre dapat involved ang all sectors including the youth. Kasi nga, tayo raw iyong pag-asa ng bayan na paulit-ulit binabanggit na para bang nakalimutan na natin. Kasi feeling nila puro selfie ang alam ng mga millenials. Pero sa totoo lang, sa tingin ko mas empowered at proactive ang mga kabataan ngayon, which is an awesome thing!

So balik tayo sa climate action, you want to know what you can do? Check out 101 ways to fight climate change. Sali ka rin sa iba’t-ibang youth initiatives at sabihan mo ako kung merong event pang-youth, iyong UN definition ha, hehe! But at the end of the day, bata o matanda, lahat tayo may magagawa para masolusyonan ang climate change. And the time to act is NOW!

Terror

Oo. I consider myself a terror teacher. Pati ako matatakot sa sarili ko.

Pagpasok palang ng classroom, animo’y mga ipis na ayaw sa ilaw ang mga estudyante kong balik kaagad sa mga upuan at todo pretend na behaved sila. Otherwise, makakatanggap sila ng death stare.

“Umupo nang matuwid, itikom ang bibig, kamay sa desk!” Parang military. Iyong mga boys, aliw na aliw kasi marami sa kanila ang pangarap ay maging pulis o sundalo. Don’t ask me why.

Nung minsang birthday ko, kinantahan ako ng mga estudyante. Hindi man lang ako ngumiti. Sabi ko lang, “Thank you, sit down,” sabay resume ang lesson. Cold-hearted, ano?

profile3.jpg
Thank you, sit down!

Mabait naman ako sa totoong buhay pero kailangang maging super strict sa classroom kung hindi kakainin ka ng buhay ng mga batang hindi nauubusan ng energy.

I’m sure hindi ako iyong paborito ng mga estudyante ko. Pero may mga mangilan-ngilan na parang they could see through me. Iyong tipong mababasa mo sa kanilang mga mata ang pang-unawa. Na tila sinasabi, “Naiintindihan namin kung bakit kailangan mong maging istrikto.”

“Teacher, kokopyahin?” tanong ng mga tsikiting.

“Ay hindi, tititigan!” sagot ko.

May mga palihim na ngiti. Marunong pala akong magpatawa, sarcastic lang.

Siyempre, dahil Teacher’s Day ngayon may mga greetings at throwback pictures noong ako’y nagtuturo pa, three years ago.

Bigla kong na-miss ang ingay at gulo sa classroom.

Iyong pag-prepare ng lesson at pagtuturo in straight English na parang college students ang mga kausap (nganga iyong mga bata).

Iyong pagkanta at pagsayaw tuwing may program. Kapag teacher ka dapat kaya mong gawin lahat.

Iyong feeling na tipong may na-inspire o may natutunan sila sa iyo.

Maraming nagsasabing teacher nga ang aura ko maski hindi na ako nagtuturo. Marami rin ang naguudyok sa aking magturo muli.

Puwede naman, subalit marami rin kasi akong gustong gawin. Mahilig din akong maglakwatsa at pumunta kung saan-saan. Hindi lang para mamasyal kundi pati gumawa ng mga bagay na ikabubuti ng bansa, community work kung baga. Bilang guro, mahirap iyong madalas na wala ka sa classroom.

Hindi biro ang maging teacher kaya sobrang saludo ako sa mga indibidwal na pinili ang tahaking ito.

Sa lahat ng teachers, mabait man o terror, tulad ko, happy Teacher’s Day!

Ingay

Napakaingay
Nakabibinging katahimikan
Mula sa walang pakialam
Walang humpay na talak
Ng nagmamagaling
Diskusyon ng intelektuwal
Pagpipintas at pangungutya
Ng walang magawa
Kanya-kanyang pananaw
Kanya-kanyang paliwanag
Batuhan ng kuru-kuro
Ng sentimiyento
Ng mga baho
Sino ang mas magaling?
Sino ang tama?
Sino ang santo?
Sino ang panalo?
Tanda ng kamulatan?
O pawang katangahan?
Nakakalito
Nakakahilo
Kanino maniniwala?
Sino ang nagsasabi ng totoo?
Alamin, makialam, magtanong
O mas mainam ba
Na manahimik na lamang
At wag ng dumagdag
Sa kalansing ng latang walang laman?

Pelikulang Pinoy

Marami ang nagrereklamo kung paanong nawawala na ang kalidad ng mga pelikulang Pilipino. Walang kuwento, mga linyang korni, artistang pare-pareho na nagpapa-cute lang, at nakangingiwing special effects.

Kaya ako’y nagulat at natuwa nang mapanood ko ang ilang Pinoy Classics – mga obra ni Lino Brocka, Mike de Leon, at Ishmael Bernal. Simple lang ang pagkakagawa pero talagang pinag-isipan ang mga dayalogo at takbo ng kuwento.

Pinuri kung paanong repleksiyon ng realidad ang “Bona” o “Maynila sa mga Kuko ng Liwanag.” Nakalulungkot lang na habang pinapanood ko ito’y nakita ko na ang bansa, lalo na ang Maynila, ay nasa ganoong kalagayan pa rin. Parang walang pinagbago. Sadlak pa rin sa kahirapan.

Iyan ang ninanais ng mga intelektuwal mula sa mga palabas – iyong realistic, nagbibigay ng kamulatan, at kapupulutan ng aral. Ngunit iyan mismo ang gustong kalimutan ng mga tao. Ang takasan kahit sandali ang mga problema, ang katotohanan. Iyon bang hindi na kailangang mag-isip.

May nagsabing mas madaling kontrolin ang mga taong hindi nag-iisip. Marahil ang media, ang industriya ng Pinoy films, at mismong gobyerno natin ay nagkaisang subuan tayo ng kababawan para mas madali tayong i-kontrol, mas madaling utuhin. Ito ba talaga ang gusto natin?